Deklarasyon Para sa Kapayapaan

Magmula pa sa aming mga Ninuno, kaming mga kasapi ng Religious Society of Friends (Quakers) ay naninindigan para sa mahinahong pamamaraan tungo sa kapayapaan. Kami ay naniniwala na ang ating Panginoon ay namamahay sa bawat isa sa atin, kaya't ang pagkitil o supporta sa pagkitil ng buhay ay mariin naming tinututulan.

Kami ay naniniwala na ang hindi pagkakaunawaan at pag-aaway-away ay matutugunan sa isang makabuluhang pag-uusap at mahinahong pamamaraan. Ang kinakailangan lamang ay ang sama-samang paglinang ng ating mga kakayanan at ari-arian patungo sa kapayapaan. Atin ng napatunayan na ang pinakamabigat na suliranin man ay natutugunan sa pamamagitan ng ating sama-samang panalangin. Kung minsan, kinakailangan lamang ng sandaling katahimikan para marinig at maunawaan ang ipinahihiwatig ng Maykapal.

Wala tayong kalaban. Lahat tayo ay maaaring magbago para sa kabutihan. Totoo na ang paghahangad ng pangmatagalang kapayapaan ay may kaakibat na panganib, at naising mapagtagumpayan ang mga kinatatakutan at agam-agam. Sa pandaigdigang kalakaran kung saan ang "digmaan laban sa terrorista" ang isinisigaw ng nakararami, kami ay nanatiling taliwas dito…hindi kami sumasang-ayon sa anumang uri ng digmaan o karahasan.

Ang mapayapang pamamaraan tungo sa kapayapaan ay isang matagal na proceso na nangangailangan ng masusing pagsisiyasat at malalim na pag-uusap ng magkabilang panig, patuloy na pagtutol sa mga mapang-aping polisiya at kalakaran, at higit na pang-unawa sa kasalukuyan mga batas. Ang pinakamabisang pamamaraan sa mapayapang gawain ay ang maagap na pagsugpo dito. Kinakailangan na matakwil ang pagkakawatak-watak, ang hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan, pang-aabuso sa kalikasan, at ang iba pang uri ng pang-aapi ay dapat maialis bago pa tuluyang sumiklab ang di pagkakaunawaan. Sa kabilang dako, sa pagtatapos ng suliranin ay nangangailangan ng maingat at mabilisang pagtatayo muli ng mga pisikal na infrastraktura at pagbuhay muli ng pakikipag-ugnayan sa bawat isa upang maiwasan ang muling pag-aalitan.

Ang pamamaraang mapayapa ay hindi nagbibigay ng kaagarang lunas. Ang nakakalungkot ay ang katotohanan na sa anumang digmaan, ang mga inosente ang nauunang nakakaranas ng hirap. Sa kabilang banda, ang pagtatagumpay ng isang mapayapang pamamaraan ay kalimitang hindi napupuna dahil na rin sa walang kaguluhang naganap. Isang halimbawa na ang ginawa ng African Great Lakes Initiative na siyang nangalaga sa mga nakaligtas sa mga karahasang dulot ng pag-aalitan sa Rwanda at Burundi. Sino ang makapagsasabi na kung hindi dahil sa panghihimasok ng grupo ay baka patuloy pa ang hidwaan ng magkabilang panig. Ang tanging nalalaman natin ay ang nagging epekto nito sa pagbabago ng pananaw ng bawat isang natulungan.

Ang makabagong pakikidigma ay nagdudulot ng higit na pinsala sa mga biktimang nadaramay lamang. Ito rin ay mapamuksa sa mga gusali at iba pang infrastraktura na kung saan ang kabuhayan ng mga mamayan ay nakasalalay. Bukod pa rito ay ang mapaminsalang dulot nito sa kalikasan, ang nagkalat na mga mina, latak ng uranium at iba pang mapaminsalang kemikal ay nanatili sa lupang pangsakahan. Ang lalong nakakabahala ay ang gawi ng digmaan na kung saan sinasanay ang mga mamayan sa pagpatay. Bukod sa ito ay mali, ito rin ay nakaka-epekto sa kaisipan ng mga taong nakasaksi at nakaranas ng mga karahasang dulot ng digmaan. Sa madaling salita, ang digmaan ay nakapagdudulot ng ng kawalang tiwala ng tao at ang pagkasira ng mabuting pagtitinginan at relasyon.

Ang paghahangad ng kapayapaan ay isang malalim na adhikain. Kung titignan natin ang kasaysayan, ang ating mga ninuno na siyang nagsulong na mapalaya ang mga alipin ay siya ring kinutya, subalit ng dahil sa kanilang matibay na paniniwala ito ay kanilang napagtagumpayan. Katulad nila, kami ay buong pusong magsusulong na maialis ang ano mang-uri ng karahasan sa ating lipunan, sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, sa kapamilya, kalikasan, at maging sa ating polisiya. Ang aming adhikain ay maging isang tunay na mapayapang tahanan ng Maykapal ang ating mundong kinagagalawan.

Buwanan Pagtitipon sa Saint Louis
Religious Society of Friends (Quakers)
Saint Louis, Missouri, USA
Ika-12 ng Pebrero 2006

Amharic
Bahasa Melayu
Bengali
Bosanski
 
Deutsch
Eesti
English
Español
Esperanto
 
Français
 
 
Hindi
Italiano
 
 
Latviesu
Nederlands
Norsk
Pashto
Polski
Portugués
 
Srpski
Soomaaliga
Svenska
Tagalog
 
Türkçe
Vietnamese
 
 
 
 
 
 

St. Louis Friends Meeting
1001 Park Avenue
St. Louis, MO 63104

314.588.1122
stlouisfriends@stlouisfriends.org

Forum: Log in